Martes, Abril 17, 2012

Ang Di Matapos-tapos Na Tula

paalam antok,
dilat akong matutulog.
pakikingan -
yapak ng orasan,
minuminuto kung kumatok.

paalam antok,
dilat akong matutulog.
pagmamasdan-
mabilis na matunaw
na panahon.

paalam antok,
dilat akong matutulog,
pakikingan
ang mga pangamba -
kung mat darating pang umaga.

paalam antok,
dilat akong matutulog.
pagmamasdan,
ang mga guhit
na palabas sa telebisyon.

paalam antok,
dilat akong matutulog.
hahadkan,
ang nakakapagod na
kalunsuran.

Miyerkules, Enero 11, 2012

Basag na Oras

Patay na ang panahonwala nang marinig na awit
kundi ang mga sigaw na
nakalibing sa nagdaan.


Patay na ang panahon
wala nang makita
kundi, sayaw
ng mga natuyong dahon.
parang mga alikabok
na pumapasok
sa aking mga mata.


Patay na ang panahon.
wala nang magawa
kundi magpaikot-ikot
tulad ng orasan,
nakasabit sa taas ng ating pintuan.

Lunes, Disyembre 12, 2011

Ang Pagsalakay Ng Anino


Sinakop ng anino ang aking kwarto. Nagising nalang na nakahandusay at nakapako sa sahig, di makagalaw ang buong katawan. Patay ang ilaw, walang makita kundi ang nanlilisik nyang mata, nakatitig na para bang nais kunin ng itim na anino ang aking nanlalamig na kaluluwa.

Ang alam ko, kagagaling ko lang sa inuman kasama ang mga katrabaho sa construction site. Malamang sya ang aninong sumusunod sa akin kanina pa, pagkababa ko palang ng jeep at sa pagbukas ko ng pintuan sa inuupahan kong kwarto doon nya inatake ang aking kalasingan.

Bumubulwak ang mainit na dugo sa aking lalamunan, gumapang, pinapalibutan ang nakahandusay kong katawan. Habang bumubulong ang aking utak.

"Kailangan mong bumangon Rod. Kailangan mong humingi ng tulong. Sumigaw ka Rod! Sumigaw ka!"

Pinilit kong sumigaw ngunit may kung anong bumara na sa aking lalamunan. Wala na akong magawa kundi pagmasdan ang bawat galaw ng aninong paikot-ikot sa loob ng mainit kong kwarto.

Kahit hirap sa paghinga, naaamoy ko ang nakaka-adik na gasolina at sa ilang sigundo lang. bumalik ang mga ala-ala ng nakaraan: Kung paano kami nilisan ng aking ama, kung paano ako inalipin sa pinasukan kong pagawaan ng papel, kung paano ako napadpad sa loobang ito, kung paano ko nakilala at napaibig ang babaeng pinakamamahal ko, na di rin naman kami nagtagal, sya'y nangibang bayan at balita ko nakapag-asawa na ng mayaman. Bawat segundo ay kasing bagal ng buhay ko.

Biglang nagliwanag ang lahat (kahit walang nakasinding ilaw sa kisame), tanaw ko na ang mga nakasabit na damit sa gilid malapit sa kusina, tanaw ko na din ang poster ni Cristine Reyes sa likod ng saradong pintuan. Naglaho na ang anino... kasabay ng liwanag at makapal na usok na bumalot sa maliit kong kwarto.

Naririnig ko ang mga sigaw at pagtawag nila sa aking pangalan.


"Pareng Rod! Buksan mo ang pinto! Buksan mo ang pinto!".


Naririnig ko ang mga katok sa pintuan. Naririnig ko ang mga paang tumatakbo, tumatalon at naglalakad sa mga yerong bubungan. Ang mga ingay na ito ang syang nagsisilbing pag-asa upang mabuhay.

"Tulong! Tulong! Iligtas nyo ko! iligtas nyo ko! ilabas nyo ko sa impyerno!"


Tulad kanina, walang lumabas na boses sa aking bibig at nararamdaman ko na lang paggapang ng apoy sa aking paanan.

galing dito ang larawan

Miyerkules, Nobyembre 23, 2011

Kung Bakit Walang Awa


sampung taong pagdurusa
sampung taong panggagahasa

di mabilang iyong pinahirapan,
di mabilang iyong pinaslang,
di mabilang iyong dinukot,
di mabilang iyong kinurakot,
maslalong mo pang dinurog
mga pangarap ni Juan dela Cruz.


minumulto ka na.
minumulto ka na ng mamamayang
inilibing mo sa kawalan,
ikinadena mo sa kasinungalingan.
at ikinulong mo sa takot at kalupitan.

kahit nasa wheelchair ka na,
kahit totoo o hindi ang iyong mga luha.
kahit lumuhod man at magmakaawa
wala, wala kaming awa
sa impyernong kulungan
nararapat kang ikadena.


sigaw ng bayan ay hustisya
at habang buhay mong pagdurusa.
wala, wala kaming awa...
natunaw na sa dekada mong
panggagahasa.


(galing dito ang larawan)