Linggo, Enero 31, 2010

Hari ng Lansangan


Wang! Wang! Wang! Wang!

Halos manliit sa kinauupuan ang driver ng sinasakyan kung taxi, gulat na gulat sa biglaang pagsulpot ng mga naglalakihang SUV, kulay itim lahat, subrang ingay at subrang bilis na para bang gustong pagraragasain ang lahat ng sasakyang nakaharang sa daraanan nila.

"Mga hayop! Hindi nyo pag-aari ang Edsa!" Pasigaw na reaksyon ng mamang driver. Umakyat nang napakabilis ang dugo sa ulo nya dahil sa ingay ng SUV na halos nakadikit na sa side mirror minamaneho nyang taxi.

"Sana mabanga kayo! Pinapalamon lang namin kayo!" Pahabol na sigaw ng taxi driver habang papalampas ang panghuling sasakyan sa convoy.

"Tingnan mo, tingnan mo kung paano makaasta ang mga yan, akala mo pag-aari na nila ang Pilipinas." Habang nakatingin sa kinauupuan ko ang mamang driver na para bang naghahanap ng kasama o karamay.

"Baka po may meeting yung nakasakay dyan, maleleyt na." pabirong sagot ko.

"Malamang meeting ng mga kawatan, Pagmemetingan nila kung paano pagnakawan ang bayan. Wala naman ibang alam gawin ang mga taong nakasakay dyan kundi pagkaperahan ang gobyerno at gamitin ang pwesto para sa pansariling kapakanan. Pinamumukha nila sa atin kung gaano sila kataas at gaano tayo kababa sa lipunang ito, e tayo naman ang nagpapasweldo sa mga yan. Tama naman diba?" Mainit sagot at tanong ng driver.

"Tama po." maiksi at mabilis na tugon ko habang pinagmamasdan ang papalayong mga Halimaw ng Lansangan.

Lunes, Enero 25, 2010

Telebisyon


Kayang iligaw ang dapat na nakatakda,
kayang ipasubo at ipanguya ang dapat ay wala.
Kayang gawing pantasya ang uhaw sa hustisya,
nakabusal ang bibig sa ngalan ng demokrasya.

Makulay na telebisyon,
binago mo ang lipunang ito.
Katotohanan sa drama mo itinago,
ginawa mong dilaw ang kulay ng dugo.

Malalim na sugat patuloy sa pagdurugo.

Ketsana



Nababalot ng madilim na ulap ang mausok na kamaynilaan...
Madilim... madilim ang buong kalangitaan.

Katanghaliang tapat...
ngunit walang makasilip na liwanag sa madilim na kalangitan...

takot...
kaba...
takot...
kaba.... nararamdaman ng bawat isa...

maglalabasan na kaya ang mga giniginaw na ENGKANTO at DWENDE
na dating residente ng nakalbong Siera Madre.

magwawala na kaya ang mga nanlulumong KAPRE
sa may Katipunan na dating tahimik na nakatambay sa mga puno ng Acacia.

magpipiyesta na kaya sa tubig baha ang mga SIOKOY at SIRENA
na dating residente ng nababoy na Ilog Pasig, Laguna lake at Manila bay.

maghahari na ba sila ngayong nababalot sa dilim ang kamaynilaan.
sisingilin na ba tayo sa kasalanan at pagpapabaya sa inang kalikasan.

unti-unting bumubuhos ang malakas na ulan...
marahas ang bawat patak...

takot...
kaba...
takot...
kaba.... habang patuloy sa pagbuhos ang malakas na ulan....


sana hindi...
sana'y ulan lang ito na magpapasikip ng trapiko sa Edsa..

sana hindi...
sana'y ulan lang ito na magpapataas ng tubig sa baradong emburnal sa España...

sana hindi...
sana'y mahaba pa ang panahon para matuto at magbago...