Sabado, Disyembre 25, 2010

Pira-pirasong Laruan


Kapag lumuwa na ang asul mong mata,
Doon mo lang nanaisin na ako'y makita.
Kapag putol na ang mahahaba mong hita,
Doon mo lang nanaising maglakad na ako ang kasama.

Kapag paralisado na ang lahat
Doon mo lang nanaising sa aki'y umakap
Kapag natunaw na ang mapupula mong mga labi
Doon mo lang nanaising humalik sa aking tabi.

Kapag tumigil na ang pagtibok ng puso mo,
Doon mo lang sisimulang mahalin ako.
Sadyang ganito kalupit ang katotohanan,
Hihintayin nalang maubos baterya sa katawan.

Sabado, Disyembre 18, 2010

Dinuguang Mundo



Dinuguang Mundo
(Kung Bakit Masarap Kumain ng Dinuguan)


Dugo
Mainit na dugo
Umiikot sa ugat ng tao


Dugo
Malapot na dugo
Nagpabago sa takbo ng mundo


Dugo
Maalat na dugo
Inialay para sa pagbabago


Dugo
Dagat-dagatang dugo
Obrang nilinok ng dahas sa mundo



- 11/15/2010 12:08 AM -

Lunes, Nobyembre 29, 2010

"Andres"

Humimlay ka na ba
sa punit punit na
pahena ng ating kasaysayan?
Tuluyan na bang naging usok
ang nagliliyab mong himagsikan?
Daan taon na ang nagdaan,
tuluyan mo na ba kaming iniwan?

Sana hindi pa....
Sana hindi napagod ang
pistola at bolo mong hawak,
Dahil ang kalagayan ng bayan
ay tulad parin ng dati,
Ang mga buwitre at buwaya
ay patuloy paring naghahari,
Pang-aalipin nila ay nagiba
lang ng kulay at tawag.

Siguro nga hindi lang kita nakikita,
Siguro nga hindi lang kita nadarama.
Dahil wala ako sa kanayunan,
Kung saan malimit marinig,
ang iyong sigaw at pangalan.

Linggo, Nobyembre 14, 2010

Gising Na...

Gising na,
Buksan ang iyong mga mata
pagmasdan ang mga luha
doon tayo magsisimula.

Gising na
Imulat ang iyong mga mata
takasan ang kawalan
sa kalawakan tayo maghabulan.

Gising na,
buksan ang iyong mata,
pakingan ang mga ala-ala
doon tayo muling magsasama.

Linggo, Nobyembre 7, 2010

Dugo sa Kinakalawang na Kadena




ang mga paa ko'y
gusto nang tumakbo palayo.
takasan ang mundo
na tila naging kulungan mo.
ngunit di ko magawa,
at lilimang dipa lang ang kaya.
lilimang dipa lang,
ang kadenang nakakabit sa aking paa.
hindi mapigtas-pigtas,
kahit anong pilit at lakas.
lalo lang humihigpit,
lalo lang namimilipit.

walang magawa...
kundi mag paikot-ikot,
umikot ng umikot
sa poste ng meralco.
hangang mapagod,
hangang mahilo.
hangang maging manhid
ang mga paa sa sakit.
hangang maging lakas
ang dugong tumatagas.
hangang makawala
at matawag na malaya.

palayo na ako...
abot tanaw na lang
ang poste ng meralco.
tanging sumusunod
ay ang bakas ng dugo -
tulad ko gumagapang sila palayo.
palayo sa kinakalawang na kadena,
palayo sa aking mga paa na
kanina'y nangarap pang lumaya.

Biyernes, Oktubre 29, 2010

Ang Nahalukay (na Tula) sa Basura


lahat ng sulok kakalkalin
hapdi ng tyan tatawirin
makikipag-unahan sa dilim
may maisubo lang at makain.

napapaawit ang mga bangaw
sa bawat kagat,
sila'y napapahiyaw.
"oh, spaghetting gumagalaw.
kay sarap mo,
kahit umaalingasaw"

napapasayaw ang mga ipis,
lilipad lipad
sa sobrang inis.
"oh, kaysarap naman lantakan,
inuuod na beef-steak".

kahit paano hapdi ng tyan
nawawala din.
matapos kong ubusin
pagkain sa dilim.
"hay salamat kami naman!"
sigaw ng mga ipis at bangaw.

at wala silang kaalam alam...

ako ngayo'y nasusuka
gutom sa utak, di nawawala.
gutom sa pag-asang makaahon,
kahit di alam kung saan
ito naroon ngayon.

walang magagawa
kundi ipikit ang mga mata.
di alam kung muling didilat pa
o tuluyan nalang mangingisay
sa ilalim ng tulay.
kakainin ng mga daga,
mas malaki pa sa pusa.

Sabado, Setyembre 18, 2010

Panaginip

video


Nagbago na ang kanyang liwanag
Nakakasilaw at nakakabulag
Unti-unti nang lumilisan
Papalayong kasalanan

Bumalik ka at lumayo
Lumayo ka at bumalik

sa aking panaginip....

Tinakpan ko na aking mata
Ngunit patuloy ko parin
syang nakikita
Ang kanyang ngiti at tawa
sa akin ay nagpapaluha

Bumalik ka at lumayo
Lumayo ka at bumalik

sa aking panaginip....

Gusto ko ng magising
Ayoko na sa kanya piling
Gusto ko ng magising
Ayoko na sa kanyang piling...




Lunes, Setyembre 13, 2010

Hindi Baril, Hindi Bala

hindi ang baril
hindi ang bala
hindi ang bombang naghihintay
sumabog sa nauuhaw na lupa -
ang syang magpapalaya

ang mga biktima ng kalupitan
ang mga dukhang inalisan ng karapatan
ang mga sikmurang walang laman
ang mga magsasakang inagawan ng lupa
ang mga manggagawang
inalisan ng pagasa
ang mga walang pampa-ospital
ang mga walang pampa-aral
ang mga dinimolis ang tirahan.

Sila...

ang hangin at apoy
ang dudurog at magkakalas sa kadena.
ang bombang sasambulat
at magpapalaya

Biyernes, Setyembre 10, 2010

Paalam

paalam..
malaya ka nang muli
tulad ng isang ibon
nakawala sa mga dalamhati

paalam...
malaya ka nang muli.
malaya sa rehas
ng kawalan at pigahati.

paalam..
ala-ala mo'y aming dadalhin
hangang sa pagsapit ng mapulang
takipsilim.

Lunes, Setyembre 6, 2010

Makena

makena
kulay grasa
magaspang
bakbak ang pitura.

kakarag-karag
nakakasulasok
ang nakakalason
nyang usok

sa bawat andar nya 
ilang milyon ang binubulsa
habang baon
sa utang ang masa

daan taong paghinga
daan taong pagdurusa
halina ating silaban
ang bulok na makena.

Lunes, Agosto 9, 2010

Pelikula sa Kanto ng Aurora



Sa Cubao kung saan ang araw
ay nagtatago sa maitim na ulap.
Nangarap akong makakita ng liwanag
Sa madilim na sinehan doon ko ito hinanap.

Ngunit natapos ang palabas
na hindi nasilayan ang hanap.
Naroon pa rin ang uhaw
na pumipigil sa aking mga luha.
At ang gutom na ngumangatngat
sa salasalabit kong sikmura.

Nasan na nga ba ang pagasa
na muli pa kitang makikita?
Mga matang puno ng pagkabagabag
hahayaan nalang ba na ako'y mabulag?

Salamat sa biglang pagbuhos
ng malakas na ulan.
Nabasa, nanlamig at nagising
ang buo kong katawan.

Ngayong tumigil na
ang pagkilos ng ciudad na ito.
Maganda palang tanawin
ang usad-pagong na trapiko.

Biyernes, Hulyo 30, 2010

Kesame

Sa kesame nakalutang,
pinapalibutan ng hamog ating katawan
ayaw bumaba ayaw matapos
habang araw kasabay na nauupos

binura ng lamig ang lungkot
tinunaw ng init ang takot
Walong oras na nakapinta
Nakasabit na ubra.

Linggo, Hulyo 25, 2010

Milkyway

sa kislap at liwanag ng mga gusali
naglalaro ang malungkot na gabi
hinahanap ang mga bituin sa langit
ngayong katatapos lang dumalaw ng bagyo.

kahit maliwanag na ang mga gusali
sa abot tanaw na Makati
alam ko naroon ka nakasiksik
sa madilim na sulok ng Quezon City.

tulad ko nakatingala at nag-aabang
sa muling pag dungaw ng Milkyway
tulad ng dati sabay nating bibilangin
ang di mabilang nyang bituin.

Huwebes, Hulyo 22, 2010

Kamposanto

Madilim
patay ang ilaw...
tahimik...
walang ingay ang mga papel
tahimik ang mga computer
sumasabay sa mga hilik
ang mga bulong na maririnig


Mag-aalasdos na ng hapon,
ngunit parang alos dos padin ng gabi.
mga multo nakapaligid,
may multong nagma make-up
may multong nagsa sound-trip
may multong nagsusuklay,
may multong nakahiga sa mesa
na parang bangkay.


Kailangan ko nang lumayo sa nakakakilabot na sementeryo...


"Excuse me mam, follow-up ko lang po yung document." sabay abot sa Id.
"Mister balik ka nalang sa lunes, out-of-town ang pipirma nito."

Biyernes, Hunyo 25, 2010

Ang Huling Mensahe

"The number you have dialed is either unattended or out of coverage area"


8:30 PM

C1 : Hon nasan ka na?
C2 : Dito pa hon sa office pa uwi na. Katatapos lang meeting.
C1 : Ok hon. Wait kita dito sa bahay, sabay na tayo mag dinner. Love you
C2 : Love you too.

8:33 PM

C3 : Tol saan ka na?
C4 : Papunta na dyan. Natagalan ako sa bahay, Lumalala lagay ni Ermat.
Kailangan talaga ang maka-score ng malaki.
C3 : Ok tol. Sigurado malaki makukuha natin.Basta wag mo kalimutan magdala.


8:51 PM

C1 : Hon saan ka na? Bili mo ako ng ice cream pagbaba mo.
C4 : Oo may dala ako. sa shed na tayo tol magkita.


9:00 PM

C2 : Sige hon bibili ako. Wag ka papakapagod at masama sa baby natin.
Dito na ako sa FX, Lapit na.


9:01 PM

C1 : Thank you hon.

. . . .

"Holdap to! Labas lahat ng wallet at cellphone!"
(Sigawan ang lahat)

"Hoy! Akin na yan! Bilis!"
(habang naiwan sa isipan ang huling text ng misis)

"I-Ito ho ku-kunin nyo na.."
(Tugon ng isa at biglang sumigaw ang pangatlong holdaper)

"Parak yan! Dudukot! Dudukot!"
"Pucha! Putukan nyo na!"
(sigaw ng holdaper sa unahan ng FX at sunod-sunod na ang putok)

. . . .


10:00 PM

C1 : Hon bat wala ka pa? halos 1 hour na ko naghihintay sayo.

10:30 PM

C1 : Hon Please... Please sagutin mo call ko. Naiiyak na ko dito...

. . . .


"Tol tapon mo na SIM nyan. Ang ingay e. Kanina pa tunog ng tunog."

Miyerkules, Hunyo 23, 2010

Kahit Tingi-Tingi Lang

kahit tingi-tingi
ayos na..
kahit kakaunti
solb na..

kahit wag mo nang yakapin
aking pagdurusa
kahit wag mo nang haplusin
aking pangungulila
kahit wag mo nang silipin
aking pag-luha
kahit wag mo nang isipin
aking pag-iisa

kahit tingi-tingi
solb na..
kahit kakaunti
pwedi na..

kung sakaling ubos na
kahit ang tingi-tingi
kahit ang kakaunti
sabihin mo lang sana
at susubukan ko ang wala.

Huwebes, Hunyo 17, 2010

Ano Tawag Sa Mundo Kung Wala Tayo?

Ginahasa ng aming mga pangarap
Ang nakakaakit mong dalampasigan.
Sinabuyan namin ng burak ang dagat
makamtan lamang ang iyong yaman
Na magtutupad sa aming kahibangan

Binusabos ng aming mga pangarap
Ang mala paraiso mong kagandahan.
Naging abo ang mga puno’t halaman
Makamtan lamang pekeng kasaganahan
Kahit habam buhay na pagdurusahan

Sinilaban ng aming mga pangarap
Sariwang hanging sayo lang malalanghap.
Ginapos sa usok iyong kalangitan
Matamasa lamang ang kaginhawaan
Kahit kapalit ay aming katapusan.

Kalikasan, sa bingit ng kamatayan
Pagdurusa mo iyo sanang wakasan.
Parusahan mo kaming makasalanan
Upang di na muling makapanira pa
Tuluyang maligtas ka sa aking tula.

Lunes, Hunyo 14, 2010

Ulan sa Buwan ng Mayo

Lumuha ka kalangitan
Ibuhos malakas mong ulan
Nang sumaya lahat ng nilalang
Maibsan ang init na nararamdaman

Lumuha ka kalangitan
Ibuhos malakas mong ulan
Naghihintay ang karamihan
Magtatampisaw sa gitna ng daan.

Lumuha ka kalangitan
Ibuhos malakas mong ulan
Patugtugin ang mga bubungan
Gawing konsiyerto ang kapaligiran.

Lumuha ka kalangitan
Ibuhos malakas na ulan
Lupang uhaw sa luha mo
Alimuom ay magiging pabango.

Linggo, Mayo 16, 2010

Liwanag ng Maynila



Alas Dose...

Habang nananaginip ang lahat
Habang tahimik at puro hilik nalang maririnig
Narito gising na gising padin ang diwa
Nakamasid sa nagliliwanag na bintana

Parang nagsawa na ang antok
Kanina sa labas ng kwarto kumakatok
Sadya talagang malakas mamukaw ang takot
Takot mapapikit... makatulog at takasan ang bangungot.

Oras na....

takpan ng kurtina ang nagliliyab na bintana
Maglakbay at magpalamig sa gabing nagbabaga
Kahit anong pigil sadya kaming ipinagtagpo
Magsasama at makikipagbuno sa mundo

Sa madilim na lansangan naroon ang aking hininga
Sa busina ng mga sasakyan
Sa sutsot ng mga bugaw
Sa pasigsag na lakad ng mga lunod sa alak
Sa mga nilalang na kalsada na ang naging tirahan

Kami ngayon ay iisa....
Pagsasaluhan namin ang liwanag ng Maynila

Lunes, Abril 12, 2010

Basag Na Istante


Lakad...
Patuloy sa paglakad...
Patuloy sa paghakbang ng mga paa
Patuloy sa paghanap kung nasan ang ginhawa
Pamilya ang tangan at natitirang na pag-asa
Kahit apakan ang bubog kayang madurog
Maitakas lang sila sa pagkakalubog

Lakad...
Patuloy sa paglakad...
Lakbayin ang mga hamon at pangamba
Suungin ang pagdurusa na nakaamba
Ngunit paano? Nasan ang bukas nila?
Puro ticket ng bus Laman ng aking bulsa.

Lakad...
Patuloy sa paglakad
Bitbit ang envelop na kay bigat
Nakasiksik ang malungkot na sulat
Kayhirap basahin Kayhirap tanggapin
Hapdi at kirot ng isang alipin.

"Sisante ka na"
"Pasensya na"
"Nalulugi na ang pabrika"


Lakad...
Patuloy sa paglakad
Nais kumawala ng luha sa aking mata
Umagos na parang baha sa kalsada
Palutangin ang tunay na kasagutan
Magliligtas sa aming kinabukasan

                   Tumigil....
               Napatingin...
          Sa salamin...
     Sa sikat na boutique
Sa soot na damit ng mannequin.

Dito nakita
Dito nadama
Dito dumaloy ang luha
Dito inasam ang paglaya

Kung bakit wala nang makain
Kung bakit nagsara ang maliliit na pabrika
Kung bakit sumpa ang made-in-china
Kung bakit walang magagawa

Kundi lakad...
Patuloy sa paglakad
Nakayukom ang mga palad.

Sabado, Abril 10, 2010

BLACKOUT


 Patuloy ang pananakop ng kamandag sa ating mga komunidad. Patuloy ang pambibiktima sa mga hikahos at kabataang naliligaw ng landas. Ano bang magagawa mo? Halos pinaglalaruan lang nila ang ating pamahalaan. Pinagkakakitaan ng mga pulitikong gahaman, lalo na ngayong nalalapit na halalan. Gusto mo bang subukan? Gusto mo bang tikman at marating ang madilim na kalangitan? Matuyo ang utak at lamunin ng... 


BLACKOUT

ilang bato na ang natunaw sa araw na ito
ginawang usok sa baga at ulo ipinasok.
heto gumugulong na naman ang mundo ko
kasama ang mga kaibigang itinuring akong tao.

BLACKOUT

pilit kinakalimutan ang paulit-ulit na katanungan.
masama ba ang makawala sa mga problema?
masama ba ang mapagaan ang pagal na katawan?
masama ba ang lumutang, lumayo sa katotohanan?

BLACKOUT

nakalimutan ko na kung paano matulog o humiga.
wala na ring ganang sumubo o tumungga.
basta ako'y hinang-hina sarili nawawala
inaantay ang tawas na sa akin magpapalakas..

BLACKOUT

hindi ko alam kung bakit ako narito
mabilis ang lakad sa lugar ng baseco
mayhumahabol na mga mata sa likuran ko
kailangan magmadali, tumakbo at magtago.

BLACKOUT

nagising nasa bubungan na ako ng bahay.
hawak-hawak ang isang matalas na bagay
habang bitbit ang nag-iisa kong anak
"wag kayong lalapit! wag kayong lalapit!"
habang sya naman ay umiiyak....

BLACKOUT

narito ako nakahiga sa kalsada, wala na ang tama.
ramdam ang mga tadyak at suntok ng taumbayan.
ramdam ang paglagatok ng mga nadurog na buto
ramdam ang init ng umaagos na dugo sa mukha ko.
 "patawad anakkkk.... pataaawag!!!"

BLACKOUT

Lunes, Abril 5, 2010

Ang Umasa Sa Wala





hindi ako nakakalipad,
bali-bali ang aking pakpak.
nakasiksik sa masikip na hawla.
wag mo sana akong tanungin 
kung ako ba ay nakakahinga.


hindi ako nakakabasa,
tanging ekes ang alam na letra.
tinuring na asawa numero sa mga tala.
wag mo sana akong tanungin
kung bakit sa wala ako umaasa.


hindi ako naluluha,
matagal nang dehydrated aking mga mata. 
kakaiyak sa di matapos-tapos na hirap.
wag mo sana akong tanungin
kung bakit nabulag ako sa pangarap.


hindi ako nagugutom,
nagdyedyeta lang ang aking sikmura.
naitaya ko na lahat pati kaluluwa.
wag mo sana akong tanungin
kung anong numero aking itinaya.

Sabado, Abril 3, 2010

Kumunoy Sa Lubak Na Daan (Part 2)







PUTING LIWANAG

"Artz yosi ka muna".  Boses na nagpa-ahon sa akin mula sa malalim na pagkakahimlay. Saglit na dumalaw ang isipan sa asawa't anak na naghihintay sa aking pagbabalik. Pansamantalang nakasama sila sa gunita. Ngayon narito ako't nagbabalik, nakaupo sa likod ng 6x6 truck, kaharap ang ilan pang naka uniporme.

"Salamat Fred!" Pasigaw na sagot ko habang inaalis ang isang stick mula sa inaabot nyang kaha ng sigarilyo. Hindi ako galit pero kailangang kong sumigaw. Sa subrang ingay ng sinasakyan namin lahat pakiramdam ay may nakatapal na bulak sa tenga.

"Mukhang malamim iniisip mo a? kalimutan mo na yung nangyari sa last operation natin. Ganun talaga dito. Paminsan may mga ganung insidente". Sambit pa ni Fred. Mga kataga na di ko inaasahan na babangitin nya sa gitna ng operation.

"Wala tol may sumagi lang sa isip ko". Sagot ko habang sinisindihan ang sigarilyo.

Iba ang nasa isip ni Fred sa mga oras na iyon, sa pagiging tahimik ko. Kung iyon man ang tinutukoy nya, ilang oras ko na ring nakakalimutan ang pangyayaring iyon. Ang larawan ng isang batang lalaki, nnakahandusay, duguan at puno ng tama ng bala ang katawan. Sa tuwing naiisip ko ang duguang tagpong iyon naalala ko ang aking panganay na anak na lalaki. Alam ko hindi kami ang may gawa nun. Hindi maaring kami. Hindi. Shit talaga! naisip ko nanaman!

Kailangan ibaling ko ang atensyon sa ibang bagay tulad ng dati.

Noong una may kabilisian ang takbo namin, dahil maganda ang daan at nasa kabesera pa kami.  Pero pagkalipas ng ilang minuto unti-unti ko na ring naramdaman ang malubak na daan. Wala akong ibang marinig kundi ingay ng tambutso at ang kalampagan ng mga bakal sa ilalim ng sasakyan. Ilang beses na akong sumakay sa truck na ito pero iba ang pakiramdam ko sa daang lubak na ito at sa alikabok na iniwan namin sa daan.

Kung wala ang trapal sa ulohan namin sigurado kanina pa kami nangitim sa nakatirik na araw. Sumisingaw ang init kahit kumakapal na ang mga dahon ng puno sa labas ng sasakyan. Nagkukulay berde na ang gilid ng kalsada at napakasarap nitong titigan. Parang walang nakatagong panganib.

Pakunti ang mga kabahayan at halos wala naring makitang naglalakad sa gilid ng kalsada. Sigurado malapit na kami.

Di ko namalayan na unti-unting nasusunog ng baga ang filter ng sigarilyo, na kanina pa nakaipit sa dalawang daliri ko. Akmang itatapon ko na sa labas ng sasakyan ang upos nang biglang lumiwanag ang paligid. Puting liwanag ang bumalot sa aking mga mata na nagpabagal ng oras.

Huwebes, Abril 1, 2010

Kumunoy Sa Lubak Na Daan (Part 1)

ANG PAGHIHINTAY




Sila na ata ang mga pinagpalang manggagawa sa mundo. Walang iniisip na problema kundi mag-imbak ng pagkain ngayong tag-araw at paghandaan ang parating na amihan. Ito ang nasa isip ko sa mga oras na yun. Habang pinagmamasdan ang tila nagmamartsang mga hamtik sa puno ng santol. Panandaliang naglibang ang isip ko sa ilang oras naming paghihintay sa isang liblib na lugar sa isang barangay sa Samar.



Walang maririnig kundi huni ng mga ibon na tila nag uusap-usap kung ano ang ginagawa namin sa teritoryo nila. Magtatanghaliang tapat na ngunit walang makapasok kahit katiting na sinag mula sa araw. Nagsisiksikan ang mga dahon at puno na tila kinukupkop na kami. Kulimlim nya ay parang yakap ng isang ina sa kanyang nanganganib na anak.



Nasa paanan namin ang pakurbadang kalsada. Lubak-lubak na tila napabayaan na ng panahon. Paisa-isa kapag dumaraan ang mga sasakyan na halos di na makita ang bubongan sa dami ng nakasampang pasahero at sa naglalakihang mga bagahe. Patuloy sa pagmamasid ang aming mga mata sa bawat dumaraan. Sensitibo ang aming pandinig sa bawat ingay at kaluskos na maririnig.



Hindi parin mapawi ang kabog sa dibdib ko. Marahil ganito lang talaga pag first-time sa ano mang bagay, laging naroon ang kaba. Halos isang linggo narin ang nakakaraan nang muntikan na kaming masukol sa di kalayuang barangay. Mabuti na lamang kakampi namin ang lugar at tinulugan kaming makatakas. Pero muntikan na talaga. Habang tumatakas nga kami sa lugar na iyon, naririnig na namin ang mga yapak nila na parang sampong dipa na lang ang layo mula sa amin.



Patuloy ang paghihintay sa darating. Alerto ang lahat sa katahimikan ng paligid. Walang ingay ang bawat kilos. Sa kaunting kaluskos na maririnig napapalingon ang lahat.



"Adi na! Adi na!" .



Natigil ang katahimikan. Unang sigaw na narinig ko sa ilang oras naming pananahimik. Halos napukaw ang isip ko sa narinig. Naroon parin ang kaba pero pinapawi na ito ng pananabik sa mga susunod na mangyayari. Wala nang makakapigil sa oras. Papalapit na sila at matatapos na ang paghihintay.

Miyerkules, Marso 31, 2010

Email ni Rodel

Der Silda,

Kumusta na mahal ko? Pasensya na kung ngayon lang ako nakapag-email ngayon lang kasi ako pinayagan makagamit ng PC dito. Alam mo naman dito sa Saudi medyo kakaiba ang palakad nila sa mga manggagawa at sana maitindihan mo ito. Kumusta na pala ang mga bata? nami-miss ba nila ang daddy? siguro malaki na si bunso nu? makukulit parin ba sila tulad dati? pakisabi na lagi ko silang naiisip dito oras-oras.

Yung pera pala na pinadala ko natangap mo ba? sori kong kalahati lang ung natatangap mo dyan kinakaltasan kasi ng Agency ung sahod ko dito. Pagkasyahin nyo nalang muna sa susunod medyo malaki na yan. Wag mo akong masyadong isipin at kaya ko naman ang lahat ng lungkot at hirap dito, baka mamayat at magkasakit ka pa ayaw ko na mangyari yan. Malapit na din ako umuwi baka pasko andyan na ko sa atin.

Pasensya ka na mahal kung medyo maytampohan tayo bago ako umalis ng Pilipinas. Masyado mataas lang kasi ang pressure sa utak ko noong mga oras na yun. Sana maintindihan mo ako. Mag-girlfriend pa lang tayo noon lagi ko nang sinasabi sayo na-ayaw ko mag-abroad at mas-gugustohin ko pa ang simpleng buhay sa Pilipinas kesa sa marangyang buhay pero malayo sa mga minamahal. Alam mo naman masyadong mataas ang pagmamahal ko sa bayan.

Lahat naman nagbabago at nakita mo yun diba? noong sinundan natin si Riza doon ko naipilit sa sarili ko na dapat na akong mag-apply abroad. Ayo ko kasing marinig ang mga daing mo lalo na sa pag-babudget sa kakarampot na sahod ko dati. mag-aaral na si Riza sa susunod na pasokan sigurado mangangailangan tayo ng pera. maliban doon gusto ko rin magkaroon tayo ng sariling bahay na matatawag at mabilhan ko kayo nang mga gusto nyo na di ko kayang  maibigay noon sa Pilipinas.

Wag kang mag-alala maayos naman pangangatawan ko dito. kinakain ko kung ano ang kinakain ng mga amo ko.

Hangang dito nalang email ko, ilang minuto nalang tatawagin na na ako ng Amo ko. kailangan maayos na ang higaan ko at ikukulong nanaman ako sa kwarto. wagkang mabibigla... laging nakapusas ang mga kamay ko sa kama pagdating ng alas 3 ng hapon. pinipilahan at ginagawang parausan ng mga balbas-saradong amo ko at mga kaibigan nya. masakit pero tinitiis ko lahat dito para sa inyo.

Nagmamahal,

Rodel.

Linggo, Marso 28, 2010

Guho






ang mataas na pader na naghati sa sangkatauhan.

nagturo kung paano mabuhay sa panglalamang.

nalalapit na ang kanyang pagguho;

maglalaho ang ganid na tinik sa ating mga puso.


ang mataas at  kongkretong bantayan,

nagturo sa atin sumayaw sa kasinungalingan.

nalalapit na ang kanyang pagguho;

makakawala ang lahat sa musika ng karimlan.


ang mga mala palasyong gusali

naitayo sa pang-aalipin at pagmamalabis sa kapwa.

nalalapit na ang kanilang pagguho;

kaginhawaan ng mga hikahos doon itatayo.



heto na...

guguho na...

gumagalaw na ang lupa...



lupa na simbolo ng buhay at pag-asa.

lupa na pinagmulan ng kayaman at kasakiman.

lupa na ipinagkait sa mga magsasaka at maralita.

lupa na pinagbuwisan ng dugo para maipaglaban.

lupa na pinag-ugatan ng walang kataposang himagsikan.

lupa na syang magpapaguho at lalamon

sa kabihasnang daan taong umalipin sa sanlibutan.



guguho ang lahat at magpapantay sa lupa....


Miyerkules, Marso 24, 2010

Luha sa Akwaryum



tula ang liwanag sa streetlight na buwan
aking naaninag madilim na daan
sinag ay pag-asa, muli kang makita
sa lamig at hamog, hahanapin kita.

tula ang liwanag sa patay-sinding club 
aking naaninag, sintang hinahanap
akwaryum na silid, awa ang nasilip
hubad mong kayakap ang hapdi at pait

tula ang halinghing, sumiksik sa dingding
ingay sa siping tila sigaw at daing
malibog na pera, ikay ginahasa
tanging magagawa, ubusin ang luha.

tula ang kulimlim sa gabing madilim
tinakpan ang buwan pati aking paningin
bumulusok sa lupa, mga tala sa langit
sa bawat sulok ng  puso ang nagliliyab na galit.

pasan ang hinagpis, posporo kiniskis 
apoy nagliyab, pag-ibig ang wawasak
akwaryum na bumihag, harapin ang pagbasag
aking anghel ay lalaya, liwanag kanyang makikita.

. . . 

kumawala ang mga hinagpis at daing.
kumawala ang mga halinghing sa dingding.
kumawala ang  amoy ng alcohol.
kumawala ang anghel sa pambababoy.

. . .

salamat sa gabi, tayo'y nagkayakap muli.
kahit sampal  ang iniwan mong halik sa huli.
lumayo ka na parang usok na walang hugis.
bumalik ka sa kung saan naroon ang mga tangis....

at di na kita muling sinilip pa.

Huwebes, Marso 11, 2010

Bumara sa Lalamunan ang Matamis na Banana-Q


hindi napigilan
ng takot at kaba
ang kumakalam na sikmura.
nakaya ng estudyante
ang mataas na pader
at matatalas na diamante.

sumampa, tumalon, tumakbo... lumayo...

sa tindahan ni mang mario,
bumili ng paboritong banana-q.
merienda sa wakas matitikman
sa walang almusal at pananghalian.

sarap na sarap ang mga panlasa,
nagpyesta ang kanina pa takam na sikmura.
kahit nagkaputukan sa gitna ng sarap at kalam,
kahit nagkagulo ayaw pabitin sa pagnamnam.

habang ngumunguya, 
habang nilalantakan 
ang nakabalot na asukal sa saging.

tanaw ang mamang tumatakbo 
na parang hinahabol ng delubyo.
kasunod ay sunod-sunod na putok.
isa.. dalawa.. tatlo...

natigil bigla ang pag nguya.
natigil bigla ang pag uusyoso ng diwa. 
nabitawan ang hawak na banana-q stick.
walang naramdaman na kahit anong sakit.

basta dumilim bigla ang mundo
at bumara sa lalamunan
ang matamis na banana-q.

Huwebes, Marso 4, 2010

Ang Komiks, Ang Gitara at Ang Mahiwagang Anino


nasa elementarya nang sinubukang lumikha ng komiks,  
komiks na nag wakas pagtungtong ko ng grade 6.  
gamit ang bulpen at ginupit na bond-paper,
nagawang bumuhay at pumatay ng iba't ibang karakter.

pagdating ko ng college, musika naman ang ineksperimento.
pinaghalo ang ingay at lamig ng kanta sa mabilis na ritmo.
(doon ko unang nakita kung paano sumayaw ang mga anino)
nakakalungkot ngalang, dahil tulad sa kapalaran ng komiks,
nilumot din ang gitara nang sinimulan ko na ang thesis

tulad ng dati, umikot ang oras... nang napakabilis... 
grumadweyt, tumambay, nakapagtrabaho.  
paisa-isa namang nagsitago ang mga anino,
marahil di nakayanan ang nakakasilaw na mundo.

pinalipas ang maraming buwan at taon; 
hinintay ko ang kanilang pagbabalik. 
naupos ang ilang daang stick ng sigarilyo 
bago magsilabasan ang mga anino 
na nagsigising sa pagkakatago. 

nobyembre nang muli silang nagsibalik, 
pilit pinapakintab ang kinakalawang na isip. 

Linggo, Pebrero 21, 2010

Huling Kalumpang ng Kampana

kampana,
kalumpang mo ay musika,
hudyat ay pagkilos para lumalaya.

galit,
talim sa sundang na bitbit,
tigpasin mo ang mga dayuhang pasakit.

sorpresa,
oh kaysarap na sandata,
kaaway sa gulat natulala.

sumirit,
tumalsik ulo sa leeg,
tikman ang poot ng bayang naghihimagsik.

humandusay,
ilang dosenang kaaway,
kalayaan muling nagkaroon ng kulay.

....

kampana,
kalumpang mo ay pagdurusa,
hudyat ng pagbawi muli sa mithiing paglaya.

mas mabagsik,
dayuhang nagbalik,
bawat hakbang nila'y kahindik-hindik.

bata matanda
may-armas man o wala
pinaliguan nila ng dugo sa tama ng bala.

kampana,
kalumpang mo'y naglaho sa Balangiga,
isang tropeo ng mapang-aping terorista.

Sabado, Pebrero 13, 2010

Nang Tumahamik ang Mendiola

digmaang nagsusumiklab sa kanayunan
parang apoy na lumamon sa katahimikan.
haplos ng putok, kiliti ng pagsabog
pagkalagas ng buhay ang parating kasunod.

kailan ba titigil, kailan ba hihinto
saan makikita ang puno't dulo ng gulo

masmarahas pa pala gyera sa kalunsuran
dinudukot pinapaslang ang mga palaban
tanging kasalanan kaya't sila'y hinatulan
hangaring magamot malubhang kanser ng bayan

ngayon, tumahimik na ang Mendiola at Recto
sa kanayunan na ang apoy ng pagbabago.

Sabado, Pebrero 6, 2010

Takipsilim

hihimlay na ang liwanag ng haring araw
magkukubli sa mundo ng saya't pighati
panibagong pag-asa muling matatanaw
sisimulang ituwid ang pakakamali

paalam... paalam...
taong dalawang libo't siyam

Linggo, Enero 31, 2010

Hari ng Lansangan


Wang! Wang! Wang! Wang!

Halos manliit sa kinauupuan ang driver ng sinasakyan kung taxi, gulat na gulat sa biglaang pagsulpot ng mga naglalakihang SUV, kulay itim lahat, subrang ingay at subrang bilis na para bang gustong pagraragasain ang lahat ng sasakyang nakaharang sa daraanan nila.

"Mga hayop! Hindi nyo pag-aari ang Edsa!" Pasigaw na reaksyon ng mamang driver. Umakyat nang napakabilis ang dugo sa ulo nya dahil sa ingay ng SUV na halos nakadikit na sa side mirror minamaneho nyang taxi.

"Sana mabanga kayo! Pinapalamon lang namin kayo!" Pahabol na sigaw ng taxi driver habang papalampas ang panghuling sasakyan sa convoy.

"Tingnan mo, tingnan mo kung paano makaasta ang mga yan, akala mo pag-aari na nila ang Pilipinas." Habang nakatingin sa kinauupuan ko ang mamang driver na para bang naghahanap ng kasama o karamay.

"Baka po may meeting yung nakasakay dyan, maleleyt na." pabirong sagot ko.

"Malamang meeting ng mga kawatan, Pagmemetingan nila kung paano pagnakawan ang bayan. Wala naman ibang alam gawin ang mga taong nakasakay dyan kundi pagkaperahan ang gobyerno at gamitin ang pwesto para sa pansariling kapakanan. Pinamumukha nila sa atin kung gaano sila kataas at gaano tayo kababa sa lipunang ito, e tayo naman ang nagpapasweldo sa mga yan. Tama naman diba?" Mainit sagot at tanong ng driver.

"Tama po." maiksi at mabilis na tugon ko habang pinagmamasdan ang papalayong mga Halimaw ng Lansangan.

Lunes, Enero 25, 2010

Telebisyon


Kayang iligaw ang dapat na nakatakda,
kayang ipasubo at ipanguya ang dapat ay wala.
Kayang gawing pantasya ang uhaw sa hustisya,
nakabusal ang bibig sa ngalan ng demokrasya.

Makulay na telebisyon,
binago mo ang lipunang ito.
Katotohanan sa drama mo itinago,
ginawa mong dilaw ang kulay ng dugo.

Malalim na sugat patuloy sa pagdurugo.

Ketsana



Nababalot ng madilim na ulap ang mausok na kamaynilaan...
Madilim... madilim ang buong kalangitaan.

Katanghaliang tapat...
ngunit walang makasilip na liwanag sa madilim na kalangitan...

takot...
kaba...
takot...
kaba.... nararamdaman ng bawat isa...

maglalabasan na kaya ang mga giniginaw na ENGKANTO at DWENDE
na dating residente ng nakalbong Siera Madre.

magwawala na kaya ang mga nanlulumong KAPRE
sa may Katipunan na dating tahimik na nakatambay sa mga puno ng Acacia.

magpipiyesta na kaya sa tubig baha ang mga SIOKOY at SIRENA
na dating residente ng nababoy na Ilog Pasig, Laguna lake at Manila bay.

maghahari na ba sila ngayong nababalot sa dilim ang kamaynilaan.
sisingilin na ba tayo sa kasalanan at pagpapabaya sa inang kalikasan.

unti-unting bumubuhos ang malakas na ulan...
marahas ang bawat patak...

takot...
kaba...
takot...
kaba.... habang patuloy sa pagbuhos ang malakas na ulan....


sana hindi...
sana'y ulan lang ito na magpapasikip ng trapiko sa Edsa..

sana hindi...
sana'y ulan lang ito na magpapataas ng tubig sa baradong emburnal sa España...

sana hindi...
sana'y mahaba pa ang panahon para matuto at magbago...