Lunes, Disyembre 12, 2011

Ang Pagsalakay Ng Anino


Sinakop ng anino ang aking kwarto. Nagising nalang na nakahandusay at nakapako sa sahig, di makagalaw ang buong katawan. Patay ang ilaw, walang makita kundi ang nanlilisik nyang mata, nakatitig na para bang nais kunin ng itim na anino ang aking nanlalamig na kaluluwa.

Ang alam ko, kagagaling ko lang sa inuman kasama ang mga katrabaho sa construction site. Malamang sya ang aninong sumusunod sa akin kanina pa, pagkababa ko palang ng jeep at sa pagbukas ko ng pintuan sa inuupahan kong kwarto doon nya inatake ang aking kalasingan.

Bumubulwak ang mainit na dugo sa aking lalamunan, gumapang, pinapalibutan ang nakahandusay kong katawan. Habang bumubulong ang aking utak.

"Kailangan mong bumangon Rod. Kailangan mong humingi ng tulong. Sumigaw ka Rod! Sumigaw ka!"

Pinilit kong sumigaw ngunit may kung anong bumara na sa aking lalamunan. Wala na akong magawa kundi pagmasdan ang bawat galaw ng aninong paikot-ikot sa loob ng mainit kong kwarto.

Kahit hirap sa paghinga, naaamoy ko ang nakaka-adik na gasolina at sa ilang sigundo lang. bumalik ang mga ala-ala ng nakaraan: Kung paano kami nilisan ng aking ama, kung paano ako inalipin sa pinasukan kong pagawaan ng papel, kung paano ako napadpad sa loobang ito, kung paano ko nakilala at napaibig ang babaeng pinakamamahal ko, na di rin naman kami nagtagal, sya'y nangibang bayan at balita ko nakapag-asawa na ng mayaman. Bawat segundo ay kasing bagal ng buhay ko.

Biglang nagliwanag ang lahat (kahit walang nakasinding ilaw sa kisame), tanaw ko na ang mga nakasabit na damit sa gilid malapit sa kusina, tanaw ko na din ang poster ni Cristine Reyes sa likod ng saradong pintuan. Naglaho na ang anino... kasabay ng liwanag at makapal na usok na bumalot sa maliit kong kwarto.

Naririnig ko ang mga sigaw at pagtawag nila sa aking pangalan.


"Pareng Rod! Buksan mo ang pinto! Buksan mo ang pinto!".


Naririnig ko ang mga katok sa pintuan. Naririnig ko ang mga paang tumatakbo, tumatalon at naglalakad sa mga yerong bubungan. Ang mga ingay na ito ang syang nagsisilbing pag-asa upang mabuhay.

"Tulong! Tulong! Iligtas nyo ko! iligtas nyo ko! ilabas nyo ko sa impyerno!"


Tulad kanina, walang lumabas na boses sa aking bibig at nararamdaman ko na lang paggapang ng apoy sa aking paanan.

galing dito ang larawan

Miyerkules, Nobyembre 23, 2011

Kung Bakit Walang Awa


sampung taong pagdurusa
sampung taong panggagahasa

di mabilang iyong pinahirapan,
di mabilang iyong pinaslang,
di mabilang iyong dinukot,
di mabilang iyong kinurakot,
maslalong mo pang dinurog
mga pangarap ni Juan dela Cruz.


minumulto ka na.
minumulto ka na ng mamamayang
inilibing mo sa kawalan,
ikinadena mo sa kasinungalingan.
at ikinulong mo sa takot at kalupitan.

kahit nasa wheelchair ka na,
kahit totoo o hindi ang iyong mga luha.
kahit lumuhod man at magmakaawa
wala, wala kaming awa
sa impyernong kulungan
nararapat kang ikadena.


sigaw ng bayan ay hustisya
at habang buhay mong pagdurusa.
wala, wala kaming awa...
natunaw na sa dekada mong
panggagahasa.


(galing dito ang larawan)

Sabado, Oktubre 1, 2011

Pagbulusok ng Skylab

Limang taon kong inisip:
kung paano pagpalitin
ang araw at ang buwan:
nang di ka akuin ng pangamba
nang di ka paglaruan ng tadhana
nang di na kailangang lumisan pa

Limang taon kong inisip:
kung paano pagpalitin
ang buwan at nakakasilaw na
planeta sa kalangitan.
nang di ka malunod sa luha
nang di ka magmakaawa sa tala
nang di ka mauuwi sa wala.

Limang taon kong inisip:
kung paano pagpalitin
ang papalayo at paparating
sa gitna ng kawalan
sa likod ng araw at buwan
sa nakaka-stress na kalawakan.


Ika-1 ng Oktubre 2011

Sabado, Setyembre 17, 2011

Bahay sa Kanto ng Utak ko

Nginatngat ng pagkakataon
ang kapirasong mundo.
Nabitak ang sahig at pader.
Natuklap ang bubungan.
Nagiba ang pintuan.
Nagkalat ang bubog
ng beer, plato at softdrink.
Masasayang larawan
nanikit na sa putik.
Nakasabit ang basag na salamin.
Labas-masok ang lungkot at
takot sa loob ng tahanan.

- ika-10 ng Setyembre, 2011 -

Biyernes, Hunyo 17, 2011

Ngayong Walang Maisulat Na Tula

Kailangan kong sisirin
ang kailaliman
nitong aking isipan.
Hanapin ang mga katagang
matagal ng nakahimlay
sa aking katauhan.
Pakinggan-
Ang mga tanong sa kawalan
na hanggang sa ngayon
wala paring kasagutan.
Ito’y aking isusulat,
sa pag-asang hihilom
ang iniwang mga sugat;
at unti-unti...
Paliliguan ng luha
ang bawat linyang
iniukit sa gunita.
Hahayaan kong tunawin
at lisanin muli
ng aking tula.


Martes, Hunyo 14, 2011

Pagtakas

Bukas...
Lalayo tayo,
sa nakalipas.

Bukas...
Pagsapit ng ala-singko,
Tatakbo tayo.
Tatakas.


Bukas...
Lilipad tayo palayo ng Ortigas.
Mamamasyal sa Stop-and-Shop.
At bukas,
Sa tuktok ng pinakamataas
na billboard sa Edsa -
Doon tayo magpapalipas ng oras.
Magkayakap.


Bukas...
Magliliyab ang ating bakas.
Mag-aapoy muli -
ang na-abo nating pangarap.
At bukas,
Sa ating pagtakas,
mapapapikit ang lahat.
Mapapaisip - kung paano tayo
nakatawid ng Crossing.


Bukas...
ang walang katapusang
pagtakas.

Sabado, Hunyo 11, 2011

Sabado, Mayo 28, 2011

Ang Araw Na Isinumpa Ng Langit Ang MRT


Tayuan na sa loob ng train nang makapasok ako, pumuwesto sa bungad malapit sa pinto. Tulad kahapon mapapasabak na naman ang katawan sa 20 minutes na siksikan, balyahan at patibayan ng katawan. Maslalong na dagdagan pa ng pasahero pagdating ng Kamuning station.

"Excuse me!"

bahagyang napasiksik ako sa gitna ng daan, napalayo sa bukas-sarang pintuan. Habang umaandar na ang train wala akong magawa kundi libangin ang sarili upang di mapansin ang halo-halong amoy at mainit na singaw galing sa aming napipisak na katawan. Hinayaan kong magliwaliw ang aking paningin sa loob ng train; pagmasdan ang samo't saring mukha ng mga kasabay na pasahero: may mukhang manager, ahente, construction worker, sales lady, estudyante at terorista.

"TERORISTA?!?"

Pinagmasdan kong mabuti ang lalaking nakatayo malapit sa kabilang pinto ng train: skin-head, nasa mid 40s ang edad, pawisan, paikot-ikot ang ulo, may kung anong kinakalikot at mukhang naka-droga ang kanyang mga mata. Ayaw ko sanang magduda dahil lang sa itsura ngunit masama talaga ang kutob ko sa kanya - pumapasok sa isipan ang Rizal Day bombing, ang kahindik-hindik na Rizal Day bombing.

Bumukas muli ang pintuan pagdating ng Cubao at parang mga rumaragasang toro ang nagpupumilit makapasok sa loob ng train. Halos madurog ang likod ko sa lakas ng pagkakatulak at walang nagawa kundi sumunod sa marahas na daloy ng mga nagmamadaling pasahero.

Di ko namalayan nasa kaliwa at halos katabi ko na pala ang mukhang terorista kanina; isang pasahero nalang ang naging pagitan naming dalawa. Nakaharap pa din sya sa labas ng train, di mapakali at panay pa rin ang tingin sa mga katabi nya. Alam ko hindi suicide bomber ang lalaki (dahil wala pang insidente ng suicide bombing sa Pilipinas) at malamang mayhawak-hawak itong bag kung saan nakalagay ang bomba na iiwan at ipapasabog nya sa train. Pasimple kong tiningnan, kong mayroong hawak na bag ang lalaki at....

Nanlamig ang buo kong katawan, hindi malaman kong masusuka o matatae sa nasaksihan - Nakalabas ang galit na galit nyang ari at ikinikiskis sa likuran ng babae. Gusto kong tadyakan ang bayag ng manyakis.

"Tang-ina! di ka nalang magbati sa CR!"
"Gago! Adik! Sira Ulo!"
"Dapat sayo ipasagasa sa train!"

Ngunit walang lumabas ni katiting na boses at natulala na parang nakakita ng flying saucer sa langit. Parang bumagal ang oras, di ko na namalayan kung ilang beses nagsara at nagbukas muli ang pintuan; kung ilang beses tumigil at umandar ang train sa riles.

Shaw Boulevard - nagulat nalang ng biglang bumukas ang pintuan sa harapan ko. Patakbong lumabas ng pinto ang kaawa-awang babae; nakatakip ng panyo ang mukha na parang umiiyak at hiyang-hiya sa nangyari. Naglaho rin na parang bula ang lalaki- sumabay sa pagbuhos ng pasaherong nagmadaling lumabas ng train.

Habang ako naiwan, nagiisip at pilit nilululok ang nangyari.

Bumaba ako sa Buendia station at tangan-tangan sa balikat ang galit at pagsisisi. Habang inaayos ko ang gusot na polo nasa unahan ko ang batang akay-akay ng ina paakyat ng escalator.

END

Lunes, Mayo 16, 2011

R A B I S

Walang ibang gamot
sa gutom:
nanginginig,
naglalaway,
nag-aapoy 
sa parating na biktima.

Unahan
sa kapwa hayok sa laman:
takbo,
tulak,
agawan
makaraos lang
ang kalam ng tiyan.
Walang pakialam 
matatalas na ngipin
nakabaon sa laman:
sakmal,
ngat-ngat, 
kagat,
kuyog
sa walang
laban.

Lapain 
ang pweding makain.
Higupin
ang pweding inumin.
Ubusin
walang dapat
matira sa dilim.



Galing dito ang larawan.

Huwebes, Mayo 5, 2011

Buhay si Bin Laden


Nakasalubong ko si Bin Laden,
sa Carriedo, sa istasyon ng train.
Maybitbit na bag,
naka-short, tsinelas at
may CIA ang suot na T-shirt.

Hahabulin ko sana,
itatanong kung saan ang punta nya,
at kung bakit buhay pa sya.
Naalala ko...
sayang ang ticket.



Linggo, Mayo 1, 2011

Usok at Apoy


Usok
Lumilipad sa hangin
sumasayaw
sa alon ng luha
at hinagpis.

Isang panandalian
hugis sa langit
Nakikiapid -
sa lasa ng pait.

Nagbabagang yosi,
sa usok nagsasabi:
Tatamis din ang pait
sasarap din ang sakit.
Lahat ay kusang
mabubuo,
dadaloy,
maglalaho,
iinit,
lalamig,
matutunaw,
magsasama at
magpapaalam.

Tulad ng hugis sa panaginip
Tulad ng pag-ibig sa puson at bibig.

Linggo, Abril 17, 2011

Anino sa Katanghalian Tapat



Kagabi, kausap ko ang anino,
ano raw ba nangyari sa buhay ko.
bakit iniwan ko siya sa dilim,
sa kawalan, sa pagkakagapos.

Sabi ko'y pasensya na,
nasilaw ako sa labis na pantasya
napunta sa inaakalang liwanag
sa akin pala'y unti-unting bubulag.

Ngayon, sa gitna ng trapik sa edsa
nakaharap kong muli ang anino.
nag-aabang sa pagbulusok ng araw
at sa akin - muli syang magtatago.

Linggo, Abril 10, 2011

Liwanag sa Dilim





Isang taon nalang
magiging disyerto ang kabundukan.
Isang taon nalang
magiging itim ang kalangitan.
Isang taon nalang
mauubos isda sa karagatan.
Isang taon nalang
matutuyo ang mga palayan.

Isang taon nalang...

Piprituhin ng araw ang tao.
Magliliyab ang lupa't lahat gagawing abo.
Bubuhos ang asidong ulan
lulunurin ng luha ang sanlibutan.

Isang taon nalang...

Maaring ito'y haka-haka.
Maaring ito'y gawa-gawa
Nasobrahan sa kape,
o sa kakapanuod ng sine.
Ngunit alam ko na alam mo
mauupos din ang mundo.
Kung di tayo lalayo,
Kung di tayo magbabago,
Kung di mawawala -
halimaw sa puso ng tao.

Magpatay na ng ilaw.
Magsindi na ng kandila.
Hanapin natin:
natitirang liwanag sa dilim.



* larawan sa taas ay kuha sa website ng NASA



Huwebes, Marso 10, 2011

Sabog




Sabog ang lahat....

Bata matanda lumilipad
Walang pakialam
Walamg pakiramdam
Basta humihinga,
Nakangisi sa harap ng TV
at high sa sarap.

Sabog ang lahat....

Gobyerno ng mga adik,
Lipunan ng mga adik.
Kongresman na adik,
Kapitalistang adik,
Presidenteng adik,
Pulis na adik
at ang mga heneral na adik.
Puro katakawan sa pera
at kaadikan sa kapangyarihan
ang laman ng utak.
Kickback dito,
Nakaw doon,
Taas dito,
Lay-off doon,
Demolition dito,
Kutong doon.

Kaya resulta.....
Sabog na tindera,
Sabog na drayber,
Sabog na estudyante,
Sabog na teacher,
Sabog na manager,
Sabog na janitor,
Sabog na sidewalk vendor,
Sabog na tanod,
Sabog na preso at
Sandamakmak na sabog sa kanto.

Sabog na nga lahat....

Gutom,
Naninigas,
Namamanhid,
Walang pakiramdam.


Sabado, Pebrero 19, 2011

Hindi Na Kita Marinig

by yuco


wala na akong gitara 
wala na akong musika
hindi na kita maawitan pa.

kinain na ng oras
katawan at kaluluwa
hindi  na kita maawitan pa.

puro ingay ang naririnig 
hindi na kita marinig
puro ingay ang naririnig 
hindi na kita marinig







Miyerkules, Pebrero 9, 2011

Haiku

Alingawngaw

Nakangiti pa,
Balang tumagos sa‘yo -
Ganid na Puso.


Rugby...

Walang makain,
Lumutang sya sa hangin.
Gutom nawala.

Sabado, Enero 22, 2011

D I L I M


Dilim.....

Mata'y nababalot sa dilim...
Walang makita,
Walang maaninag
ni kakatiting na liwanag.

Dilim...

Mga mata'y mistulang mga paa,
Nangangapa, hinahanap ang daan.
Pintuang maglalayo sa kawalan.

Ngunit wala...
Walang maaninag na liwanag.

Ang sarili....
Ang tahanan....
Ang bayan....
Nasa kadiliman.....

Ngunit may kumislap...
May kumikislap sa dilim,
May kumislap sa gitna ng dilim.
Gumagapang.....
Ilang libong mga mata  -
Nag-aabang, nakadilat at nagbabaga.
Handang sunugin ang kadiliman ng gabi.