Lunes, Abril 12, 2010

Basag Na Istante


Lakad...
Patuloy sa paglakad...
Patuloy sa paghakbang ng mga paa
Patuloy sa paghanap kung nasan ang ginhawa
Pamilya ang tangan at natitirang na pag-asa
Kahit apakan ang bubog kayang madurog
Maitakas lang sila sa pagkakalubog

Lakad...
Patuloy sa paglakad...
Lakbayin ang mga hamon at pangamba
Suungin ang pagdurusa na nakaamba
Ngunit paano? Nasan ang bukas nila?
Puro ticket ng bus Laman ng aking bulsa.

Lakad...
Patuloy sa paglakad
Bitbit ang envelop na kay bigat
Nakasiksik ang malungkot na sulat
Kayhirap basahin Kayhirap tanggapin
Hapdi at kirot ng isang alipin.

"Sisante ka na"
"Pasensya na"
"Nalulugi na ang pabrika"


Lakad...
Patuloy sa paglakad
Nais kumawala ng luha sa aking mata
Umagos na parang baha sa kalsada
Palutangin ang tunay na kasagutan
Magliligtas sa aming kinabukasan

                   Tumigil....
               Napatingin...
          Sa salamin...
     Sa sikat na boutique
Sa soot na damit ng mannequin.

Dito nakita
Dito nadama
Dito dumaloy ang luha
Dito inasam ang paglaya

Kung bakit wala nang makain
Kung bakit nagsara ang maliliit na pabrika
Kung bakit sumpa ang made-in-china
Kung bakit walang magagawa

Kundi lakad...
Patuloy sa paglakad
Nakayukom ang mga palad.

Sabado, Abril 10, 2010

BLACKOUT


 Patuloy ang pananakop ng kamandag sa ating mga komunidad. Patuloy ang pambibiktima sa mga hikahos at kabataang naliligaw ng landas. Ano bang magagawa mo? Halos pinaglalaruan lang nila ang ating pamahalaan. Pinagkakakitaan ng mga pulitikong gahaman, lalo na ngayong nalalapit na halalan. Gusto mo bang subukan? Gusto mo bang tikman at marating ang madilim na kalangitan? Matuyo ang utak at lamunin ng... 


BLACKOUT

ilang bato na ang natunaw sa araw na ito
ginawang usok sa baga at ulo ipinasok.
heto gumugulong na naman ang mundo ko
kasama ang mga kaibigang itinuring akong tao.

BLACKOUT

pilit kinakalimutan ang paulit-ulit na katanungan.
masama ba ang makawala sa mga problema?
masama ba ang mapagaan ang pagal na katawan?
masama ba ang lumutang, lumayo sa katotohanan?

BLACKOUT

nakalimutan ko na kung paano matulog o humiga.
wala na ring ganang sumubo o tumungga.
basta ako'y hinang-hina sarili nawawala
inaantay ang tawas na sa akin magpapalakas..

BLACKOUT

hindi ko alam kung bakit ako narito
mabilis ang lakad sa lugar ng baseco
mayhumahabol na mga mata sa likuran ko
kailangan magmadali, tumakbo at magtago.

BLACKOUT

nagising nasa bubungan na ako ng bahay.
hawak-hawak ang isang matalas na bagay
habang bitbit ang nag-iisa kong anak
"wag kayong lalapit! wag kayong lalapit!"
habang sya naman ay umiiyak....

BLACKOUT

narito ako nakahiga sa kalsada, wala na ang tama.
ramdam ang mga tadyak at suntok ng taumbayan.
ramdam ang paglagatok ng mga nadurog na buto
ramdam ang init ng umaagos na dugo sa mukha ko.
 "patawad anakkkk.... pataaawag!!!"

BLACKOUT

Lunes, Abril 5, 2010

Ang Umasa Sa Wala





hindi ako nakakalipad,
bali-bali ang aking pakpak.
nakasiksik sa masikip na hawla.
wag mo sana akong tanungin 
kung ako ba ay nakakahinga.


hindi ako nakakabasa,
tanging ekes ang alam na letra.
tinuring na asawa numero sa mga tala.
wag mo sana akong tanungin
kung bakit sa wala ako umaasa.


hindi ako naluluha,
matagal nang dehydrated aking mga mata. 
kakaiyak sa di matapos-tapos na hirap.
wag mo sana akong tanungin
kung bakit nabulag ako sa pangarap.


hindi ako nagugutom,
nagdyedyeta lang ang aking sikmura.
naitaya ko na lahat pati kaluluwa.
wag mo sana akong tanungin
kung anong numero aking itinaya.

Sabado, Abril 3, 2010

Kumunoy Sa Lubak Na Daan (Part 2)







PUTING LIWANAG

"Artz yosi ka muna".  Boses na nagpa-ahon sa akin mula sa malalim na pagkakahimlay. Saglit na dumalaw ang isipan sa asawa't anak na naghihintay sa aking pagbabalik. Pansamantalang nakasama sila sa gunita. Ngayon narito ako't nagbabalik, nakaupo sa likod ng 6x6 truck, kaharap ang ilan pang naka uniporme.

"Salamat Fred!" Pasigaw na sagot ko habang inaalis ang isang stick mula sa inaabot nyang kaha ng sigarilyo. Hindi ako galit pero kailangang kong sumigaw. Sa subrang ingay ng sinasakyan namin lahat pakiramdam ay may nakatapal na bulak sa tenga.

"Mukhang malamim iniisip mo a? kalimutan mo na yung nangyari sa last operation natin. Ganun talaga dito. Paminsan may mga ganung insidente". Sambit pa ni Fred. Mga kataga na di ko inaasahan na babangitin nya sa gitna ng operation.

"Wala tol may sumagi lang sa isip ko". Sagot ko habang sinisindihan ang sigarilyo.

Iba ang nasa isip ni Fred sa mga oras na iyon, sa pagiging tahimik ko. Kung iyon man ang tinutukoy nya, ilang oras ko na ring nakakalimutan ang pangyayaring iyon. Ang larawan ng isang batang lalaki, nnakahandusay, duguan at puno ng tama ng bala ang katawan. Sa tuwing naiisip ko ang duguang tagpong iyon naalala ko ang aking panganay na anak na lalaki. Alam ko hindi kami ang may gawa nun. Hindi maaring kami. Hindi. Shit talaga! naisip ko nanaman!

Kailangan ibaling ko ang atensyon sa ibang bagay tulad ng dati.

Noong una may kabilisian ang takbo namin, dahil maganda ang daan at nasa kabesera pa kami.  Pero pagkalipas ng ilang minuto unti-unti ko na ring naramdaman ang malubak na daan. Wala akong ibang marinig kundi ingay ng tambutso at ang kalampagan ng mga bakal sa ilalim ng sasakyan. Ilang beses na akong sumakay sa truck na ito pero iba ang pakiramdam ko sa daang lubak na ito at sa alikabok na iniwan namin sa daan.

Kung wala ang trapal sa ulohan namin sigurado kanina pa kami nangitim sa nakatirik na araw. Sumisingaw ang init kahit kumakapal na ang mga dahon ng puno sa labas ng sasakyan. Nagkukulay berde na ang gilid ng kalsada at napakasarap nitong titigan. Parang walang nakatagong panganib.

Pakunti ang mga kabahayan at halos wala naring makitang naglalakad sa gilid ng kalsada. Sigurado malapit na kami.

Di ko namalayan na unti-unting nasusunog ng baga ang filter ng sigarilyo, na kanina pa nakaipit sa dalawang daliri ko. Akmang itatapon ko na sa labas ng sasakyan ang upos nang biglang lumiwanag ang paligid. Puting liwanag ang bumalot sa aking mga mata na nagpabagal ng oras.

Huwebes, Abril 1, 2010

Kumunoy Sa Lubak Na Daan (Part 1)

ANG PAGHIHINTAY




Sila na ata ang mga pinagpalang manggagawa sa mundo. Walang iniisip na problema kundi mag-imbak ng pagkain ngayong tag-araw at paghandaan ang parating na amihan. Ito ang nasa isip ko sa mga oras na yun. Habang pinagmamasdan ang tila nagmamartsang mga hamtik sa puno ng santol. Panandaliang naglibang ang isip ko sa ilang oras naming paghihintay sa isang liblib na lugar sa isang barangay sa Samar.



Walang maririnig kundi huni ng mga ibon na tila nag uusap-usap kung ano ang ginagawa namin sa teritoryo nila. Magtatanghaliang tapat na ngunit walang makapasok kahit katiting na sinag mula sa araw. Nagsisiksikan ang mga dahon at puno na tila kinukupkop na kami. Kulimlim nya ay parang yakap ng isang ina sa kanyang nanganganib na anak.



Nasa paanan namin ang pakurbadang kalsada. Lubak-lubak na tila napabayaan na ng panahon. Paisa-isa kapag dumaraan ang mga sasakyan na halos di na makita ang bubongan sa dami ng nakasampang pasahero at sa naglalakihang mga bagahe. Patuloy sa pagmamasid ang aming mga mata sa bawat dumaraan. Sensitibo ang aming pandinig sa bawat ingay at kaluskos na maririnig.



Hindi parin mapawi ang kabog sa dibdib ko. Marahil ganito lang talaga pag first-time sa ano mang bagay, laging naroon ang kaba. Halos isang linggo narin ang nakakaraan nang muntikan na kaming masukol sa di kalayuang barangay. Mabuti na lamang kakampi namin ang lugar at tinulugan kaming makatakas. Pero muntikan na talaga. Habang tumatakas nga kami sa lugar na iyon, naririnig na namin ang mga yapak nila na parang sampong dipa na lang ang layo mula sa amin.



Patuloy ang paghihintay sa darating. Alerto ang lahat sa katahimikan ng paligid. Walang ingay ang bawat kilos. Sa kaunting kaluskos na maririnig napapalingon ang lahat.



"Adi na! Adi na!" .



Natigil ang katahimikan. Unang sigaw na narinig ko sa ilang oras naming pananahimik. Halos napukaw ang isip ko sa narinig. Naroon parin ang kaba pero pinapawi na ito ng pananabik sa mga susunod na mangyayari. Wala nang makakapigil sa oras. Papalapit na sila at matatapos na ang paghihintay.