Miyerkules, Marso 31, 2010

Email ni Rodel

Der Silda,

Kumusta na mahal ko? Pasensya na kung ngayon lang ako nakapag-email ngayon lang kasi ako pinayagan makagamit ng PC dito. Alam mo naman dito sa Saudi medyo kakaiba ang palakad nila sa mga manggagawa at sana maitindihan mo ito. Kumusta na pala ang mga bata? nami-miss ba nila ang daddy? siguro malaki na si bunso nu? makukulit parin ba sila tulad dati? pakisabi na lagi ko silang naiisip dito oras-oras.

Yung pera pala na pinadala ko natangap mo ba? sori kong kalahati lang ung natatangap mo dyan kinakaltasan kasi ng Agency ung sahod ko dito. Pagkasyahin nyo nalang muna sa susunod medyo malaki na yan. Wag mo akong masyadong isipin at kaya ko naman ang lahat ng lungkot at hirap dito, baka mamayat at magkasakit ka pa ayaw ko na mangyari yan. Malapit na din ako umuwi baka pasko andyan na ko sa atin.

Pasensya ka na mahal kung medyo maytampohan tayo bago ako umalis ng Pilipinas. Masyado mataas lang kasi ang pressure sa utak ko noong mga oras na yun. Sana maintindihan mo ako. Mag-girlfriend pa lang tayo noon lagi ko nang sinasabi sayo na-ayaw ko mag-abroad at mas-gugustohin ko pa ang simpleng buhay sa Pilipinas kesa sa marangyang buhay pero malayo sa mga minamahal. Alam mo naman masyadong mataas ang pagmamahal ko sa bayan.

Lahat naman nagbabago at nakita mo yun diba? noong sinundan natin si Riza doon ko naipilit sa sarili ko na dapat na akong mag-apply abroad. Ayo ko kasing marinig ang mga daing mo lalo na sa pag-babudget sa kakarampot na sahod ko dati. mag-aaral na si Riza sa susunod na pasokan sigurado mangangailangan tayo ng pera. maliban doon gusto ko rin magkaroon tayo ng sariling bahay na matatawag at mabilhan ko kayo nang mga gusto nyo na di ko kayang  maibigay noon sa Pilipinas.

Wag kang mag-alala maayos naman pangangatawan ko dito. kinakain ko kung ano ang kinakain ng mga amo ko.

Hangang dito nalang email ko, ilang minuto nalang tatawagin na na ako ng Amo ko. kailangan maayos na ang higaan ko at ikukulong nanaman ako sa kwarto. wagkang mabibigla... laging nakapusas ang mga kamay ko sa kama pagdating ng alas 3 ng hapon. pinipilahan at ginagawang parausan ng mga balbas-saradong amo ko at mga kaibigan nya. masakit pero tinitiis ko lahat dito para sa inyo.

Nagmamahal,

Rodel.

Linggo, Marso 28, 2010

Guho






ang mataas na pader na naghati sa sangkatauhan.

nagturo kung paano mabuhay sa panglalamang.

nalalapit na ang kanyang pagguho;

maglalaho ang ganid na tinik sa ating mga puso.


ang mataas at  kongkretong bantayan,

nagturo sa atin sumayaw sa kasinungalingan.

nalalapit na ang kanyang pagguho;

makakawala ang lahat sa musika ng karimlan.


ang mga mala palasyong gusali

naitayo sa pang-aalipin at pagmamalabis sa kapwa.

nalalapit na ang kanilang pagguho;

kaginhawaan ng mga hikahos doon itatayo.



heto na...

guguho na...

gumagalaw na ang lupa...



lupa na simbolo ng buhay at pag-asa.

lupa na pinagmulan ng kayaman at kasakiman.

lupa na ipinagkait sa mga magsasaka at maralita.

lupa na pinagbuwisan ng dugo para maipaglaban.

lupa na pinag-ugatan ng walang kataposang himagsikan.

lupa na syang magpapaguho at lalamon

sa kabihasnang daan taong umalipin sa sanlibutan.



guguho ang lahat at magpapantay sa lupa....


Miyerkules, Marso 24, 2010

Luha sa Akwaryum



tula ang liwanag sa streetlight na buwan
aking naaninag madilim na daan
sinag ay pag-asa, muli kang makita
sa lamig at hamog, hahanapin kita.

tula ang liwanag sa patay-sinding club 
aking naaninag, sintang hinahanap
akwaryum na silid, awa ang nasilip
hubad mong kayakap ang hapdi at pait

tula ang halinghing, sumiksik sa dingding
ingay sa siping tila sigaw at daing
malibog na pera, ikay ginahasa
tanging magagawa, ubusin ang luha.

tula ang kulimlim sa gabing madilim
tinakpan ang buwan pati aking paningin
bumulusok sa lupa, mga tala sa langit
sa bawat sulok ng  puso ang nagliliyab na galit.

pasan ang hinagpis, posporo kiniskis 
apoy nagliyab, pag-ibig ang wawasak
akwaryum na bumihag, harapin ang pagbasag
aking anghel ay lalaya, liwanag kanyang makikita.

. . . 

kumawala ang mga hinagpis at daing.
kumawala ang mga halinghing sa dingding.
kumawala ang  amoy ng alcohol.
kumawala ang anghel sa pambababoy.

. . .

salamat sa gabi, tayo'y nagkayakap muli.
kahit sampal  ang iniwan mong halik sa huli.
lumayo ka na parang usok na walang hugis.
bumalik ka sa kung saan naroon ang mga tangis....

at di na kita muling sinilip pa.

Huwebes, Marso 11, 2010

Bumara sa Lalamunan ang Matamis na Banana-Q


hindi napigilan
ng takot at kaba
ang kumakalam na sikmura.
nakaya ng estudyante
ang mataas na pader
at matatalas na diamante.

sumampa, tumalon, tumakbo... lumayo...

sa tindahan ni mang mario,
bumili ng paboritong banana-q.
merienda sa wakas matitikman
sa walang almusal at pananghalian.

sarap na sarap ang mga panlasa,
nagpyesta ang kanina pa takam na sikmura.
kahit nagkaputukan sa gitna ng sarap at kalam,
kahit nagkagulo ayaw pabitin sa pagnamnam.

habang ngumunguya, 
habang nilalantakan 
ang nakabalot na asukal sa saging.

tanaw ang mamang tumatakbo 
na parang hinahabol ng delubyo.
kasunod ay sunod-sunod na putok.
isa.. dalawa.. tatlo...

natigil bigla ang pag nguya.
natigil bigla ang pag uusyoso ng diwa. 
nabitawan ang hawak na banana-q stick.
walang naramdaman na kahit anong sakit.

basta dumilim bigla ang mundo
at bumara sa lalamunan
ang matamis na banana-q.

Huwebes, Marso 4, 2010

Ang Komiks, Ang Gitara at Ang Mahiwagang Anino


nasa elementarya nang sinubukang lumikha ng komiks,  
komiks na nag wakas pagtungtong ko ng grade 6.  
gamit ang bulpen at ginupit na bond-paper,
nagawang bumuhay at pumatay ng iba't ibang karakter.

pagdating ko ng college, musika naman ang ineksperimento.
pinaghalo ang ingay at lamig ng kanta sa mabilis na ritmo.
(doon ko unang nakita kung paano sumayaw ang mga anino)
nakakalungkot ngalang, dahil tulad sa kapalaran ng komiks,
nilumot din ang gitara nang sinimulan ko na ang thesis

tulad ng dati, umikot ang oras... nang napakabilis... 
grumadweyt, tumambay, nakapagtrabaho.  
paisa-isa namang nagsitago ang mga anino,
marahil di nakayanan ang nakakasilaw na mundo.

pinalipas ang maraming buwan at taon; 
hinintay ko ang kanilang pagbabalik. 
naupos ang ilang daang stick ng sigarilyo 
bago magsilabasan ang mga anino 
na nagsigising sa pagkakatago. 

nobyembre nang muli silang nagsibalik, 
pilit pinapakintab ang kinakalawang na isip.